Wednesday, May 15, 2013

Isang Ordinaryong Araw


Sinimulan ang unang oras ng araw ng napakaraming pagbati mula sa aking FB wall.  Laking pasasalamat ko na lamang dahil nariyan ang FB upang paalalahanan ang mga kaibigan ko.  Ngunit nagpapasalamat pa rin naman ako dahil kung wala ang FB, hindi ako mapapaalalahanan ng mga kaarawan nila.  Kaya ayun, quits lang.

Sumunod ang isang tawag na hindi pumapalya sa loob halos ng sampung taon.  Meron nga lang mga pagkakataon na delayed ngunit hindi pa rin nakakalimot.

Natulog ng alas kwatro ng umaga.

Nagising ng pasado alas otso.  Hindi pa man buhay na buhay ang diwa ay may isang tawag na naman.  Hindi ko nakilala ang boses.  Dahil ilang beses niyang nasambit ang “leche ka!” tiyak akong close ko ito.  Ngunit sino? Bakit? Paano?  Sigurado nga akong close ko ito ngunit hindi ko talaga mahuli kung kaninong boses ito.  Clue.  Magkababata daw kami.  Ayun, naisip ko rin!  Paano ba naman ay siguro magtatatlong taon na rin nang huli kong narinig ang boses niya sa telepono. 

Nag-ayos.  Pumasok sa trabaho.

Umupo sa isang pagpupulong.  Isang tawag na naman.


Bumili ng tanghalian sa labas.  Inilibre ang sarili ng zagu dahil isang linggo nang nag-cacrave sa halo-halo.  Salamat nga pala sa nagbigay ng tirahang ito kay Chewy.  Tutal, sa inyo din naman galing si Chewy!

May nag-text. 

Kung sakaling mabasa mo man ito, bahala ka na kung magrereak ka.  Judge me kahit hindi ako book.  Pero tandaan mo, birthday ko.  Kahapon.

Hayaan mo ng kiligin ang mga makakabasa nito.  Kahit punong-puno ng charantia ang supposedly reply ko.

P.S.  Inaantay ko na ang imbitasyon para sa kasal mo.

Inantok matapos kumain ng tanghalian.  Tinulugan ang isa pang pagpupulong.  Pagkagising ay panibagong pagpupulong na naman.

Pumunta sa dentista.  Umupo halos dalawang oras para sa pagpapatuloy ng root canal.  Ikalawang linggo ko na ito.  Alas otso na ng gabi yata nang makauwi ako.  Masakit pero rock.

Pagkatapos maghapunan, sinimulang tingnan ang libo-libong larawan na nakaimbak kay Macky.  Nagnilay-nilay.  Nagmuni-muni.


Natapos na naman pala ang isang taon.  Sabi ko ilang taon na rin yata ang nakakalipas, dapat bago ako umabot sa tatlumpo, tapos na ako ng masterado.  Nagawa ko ito labing-anim na araw bago ako nag-dalawampu’t siyam.

Ngayong nadagdagan na naman ng isang numero ang mga guhit sa aking palad, may mga bagong tahakin na naman.  Dalangin ko ay matagumpayan ang matagal nang sinimulang mga kasulatan.  Dapat bago umabot ng tatlumpu ay naisakatuparan na ang lahat ng ito.

Hindi ko alam kung ano pa man ang idudulot ng bukas.  Nakakatakot.  Walang kasiguraduhan.  Ngunit isa lang ang nasisigurado ko, gagabayan Niya ako sa lahat ng oras.  Salamat po sa dalawampu’t-siyam na taon! 

Salamat sa mga luha, tawanan, pagkabigo at muling pagbangon.  Salamat sa mga talento, pagpapala, at pag-gabay.  Salamat sa panibagong taon.